Una, ay ang palagiang pagsasagawa nito at pagpupumilit. Halimbawa’y may isang lalake na tumitingin sa mga babae. Sa madalas niyang pagsasagawa nito ay unti-unting lumalaki ang kanyang kasalanan. Ating pakatatandaan na walang maliit na kasalanan kung palagian itong ginagawa.
Pangalawa, kapag minamaliit mo ang paggawa ng kasalanan. Nagiging dahilan din ito na lumalaki ito. Kapag halimbawang may pinagbawalan na itigil na niya ang ginagawa niyang iyon tapos ang sinabi niya sa iyo ay, “Okey lang naman ito, kaunting kasalanan lang naman ito.”
Pangatlo, pagiging masaya sa paggawa ng kasalanan, kahit na hindi ikaw ang gumawa nito. Kung minsan may makikita kang gumawa ng kasalanan at masaya pa siya sa gawain niyang ito. Madalas sa mga estudyanteng nangongopya sa pagsusulit nangyayari ito. Masaya siya dahil nakapangopya siya at hindi siya nahuli ng kanyang guro. O kaya’y sa ibang sitwasyon tulad ng maliit na pagsisinungaling kung minsan at masaya siya dahil nakalusot siya. Halimbawa rin ay nakakita siya ng pokpok at nagging kawili-wili sa kanya ito, dahil naging masaya ka rito imbes na maging malungkot at isipin na mali ang ginagawa ng babaeng yaon, ito ay maituturing na malaking kasalanan. Sabi ng Allah sa banal na Qur-an:
(إِنَّ الَّذِينَ يُحِبُّونَ أَنْ تَشِيعَ الْفَاحِشَةُ فِي الَّذِينَ آَمَنُوا لَهُمْ عَذَابٌ أَلِيمٌ فِي الدُّنْيَا وَالآخِرَة) سورة النور:19
“Sinuman ang maibigan niya na kumalat ang kasamaan sa mga mananampalataya ay makatatanggap ng matinding parusa sa mundo at sa kabilang buhay.”
Mag-ingat! Ang pagiging masaya sa paggawa ng kasalanan ay mas malaking kasalanan kaysa doon mismo sa kasalanang ginawa. Sana maintindihan natin ang pahayag na ito.
Pang-apat, kapag ito ay isinasagawa ng hayagan o di kaya’y ikinukuwento ito sa iba. Halimbawa’y gumawa ka ng kasalanan sa gabi at tinakpan ng Allah para sa iyo ang kasalanan mong ito pero ipinagkakalat mo ang kasalanang ito at kung minsa’y ipinagmamalaki pa sa iba. Sabin g Rasulullah S.A.W.:
قال رسول الله صلى الله عليه وسلم : ( كل أمتي معافى إلا المجاهرون)
“Lahat ng aking ummah ay patatawarin maliban sa mga nagpapahayag ng kanilang mga kasalanan.”
At panglima, kapag ang gumawa ng kasalanan ay isang huwaran na ginagaya ng mga tao ang gawain niya. Halimbawa’y ang isang pantas sa Islam, o isang imam, o di kaya ay lider. Kapag sila ang gumawa ng kasalanan ay iisipin ng mga tao na tama ang kanilang ginagawa at dahil dito gagayahin nila ito. Katulad na lamang ng pagsisigarilyo, kung ang isang alim ay magsigarilyo, aakalain ng mga nakakakita sa kanya na hindi haram ang pagsisigarilyo, kaya’t siya ay tutularan ng iba. At lahat ng kasalanan ng mga gumaya sa kanyang pagsisigarilyo ay kasalanan din niya at maipapatong sa kanya dahil siya ang naging dahilan nito. Sabi ng Propeta Muhammad S.A.W.:
قال رسمل الله صلى الله عليه وسلم: (من سنّ في الإسلام سنة سيئة كان عليه وزرها ووزر من عمل بها من بعده من غير أن ينقص من أوزارهم شيء) رواه مسلم.
“Sinuman ang magsimula ng masamang gawain ay mapapasakanya ang kasalanan nito at kasalanan ng (lahat ng) sinumang gumawa nito pagkatapos niya, ng walang anumang mababawas na kahit katiting sa kasalanan nila.”
Nawa’y napulutan natin ito ng aral.
No comments:
Post a Comment